nuff

Sunday, November 24, 2013

Quotes about the Pacquiao Rios Fight

Sa pagkakapanalo ni Manny pacquiao laban kay Brandon Rios, marami quotes na naglabasan sa social media lalong lalo na sa twitter.

"He's back!" - Inilagay ko rin yang status na yan. Pero  he's back from where nga ba? Is he back kay Jinkee Pacquiao o kay Krista Ranillo? Or is he back sa Catholic Church?

"He made a punching bag out of Brandon Rios." In fairness sa punching bag nya ha, may itsura.

"Manny, wag mo namang sirain ang mukha ni Rios. (Unfair, kasi yung sa 'yo  sira na.) Mean! So mean. But honest.

"Alin ba dyan si Jinkee Paquiao"? Bakit kaya hindi nila nakilala si Jinkee? Kamukha ba nya yung kakambal nya o may pinabago ulet?

"May bagong Hermes na naman si Aling Dionisia". Kayo naman, kahit naman di manalo si Manny may pambili sila ng Hermes. Ipinagbili nila bahay nila sa America di ba? Marami raming Hermes din yun.

"Best in National Costume: Aling Dionisia". Hiyang hiya ang National Costume ni Ariela Arida sa Miss Universe 2013.

"Miss Foundation Day: Aling Dionisia". Kailangan sabihin? May lumaban ba?

"National Anthems pinacquiao ni Jessica Sanchez". Naninigurado lang.

"It isn't about  my comeback. It symbolizes my people's comeback". Bilisan mo angpagbalik Manny. Wag mo na hintayin ang Day 5 bago ka tumulong sa Tacloban. Pag ginawa mo yan, hindi na original yan.

"Bumalik na ang dating Manny". Eh si Jinkee daw kailan babalik.

"Bumalik na ang dating Manny". Ano kaya ang nagyari kung kay Belo sya nagpunta at hindi kay Roach.

"Manny in vintage form". Kayo naman 34 pa lang si Manny.

"Pacquiao in vintage form". Aling Pacquiao, si Manny o si Mommy.


Pacquiao - Rios Fight Live

First time ko manoon ng live ng laban ni Manny Pacquiao sa pay per view. Dati kasi sa local television channel ko lang napapanood. Kadalasan, alam ko na ang resulta bago ko pa man mapanood. First time ko din manood sa isang venue na maraming tao. May nagbigay kasi ng free ticket para sa Pacquiao-Rios fight sa Palladium Bar, New World Hotel kaya ako nakapanood. May  buffet breakfast/lunch and unlimited drinks - brewed coffee, juices and soda - habang pinapanood si Pacquiao.

Nakakanerbyos ang laban. Nakakatakot ang mga pwedeng mangyari. make or break for Manny Pacquiao e. Kung natalo sya wala na siguro ang career nya bilang boxer. Nung unang mga round mas nakakanerbyos kasi di mo alam mangyayari. Pero ginawa nyang punching bag si Rios e kaya kahit papaano makakahinga ka rin ng maluwag. Mas nakakataas ng confidence habang nakikita si Manny throwing punches like there was no tomorrow. Nung mga kalahati na, roung 7 - 8 okay na, kamapante ng kung judges decision ang basis kasi all round went to Pacquiao talaga. Pero hindi pa rin nawala ang kaba ko kasi baka maisahan na naman sya. One big punch at the last minute at the last round could break him, sabi nga nung nakaupo sa katabi naming table. Overall, masaya kasi Manny dominated the entire game, he outclassed Rios. Sabi rin yan ng katabi namin. Pero for me, nerve wracking experience sya. parang okay na nga sana may commercial breaks like sa local channels kasi at least may time para huminga. Kaso naman sa GMA o sa ABSCBN pag  nag commercial walang humpay naman. pagpinagdugtong dugtong ang commercials mas mahaba pa sa laban -- main event and under cards combined.

Paano na kaya pag ang dalawang laban nya sa 2014 tulad ng sinabi ni Bob Arum ay sina Juan Manuel Marquez and Thomas Bradley? Baka hindi na ako makalabas ng buhay sa venue. Teka, bat ko ba iniisip agad yun eh kung wala namang magbibigay ng free ticket eh malamang sa local channels na naman ako manood o kaya maghintay ng results ng laban sa twitter, instagram at facebook.

Tuesday, November 12, 2013

Si Yolanda, Mga Bikitima at Mga Artista

Nakapanlulumo ang mga balitang nakikita natin sa telebisyon at nababasa sa internet at dyaryo sanhi ng super typhoon Yolanda. Hindi ba namang hindi malulungkot sa mga larawan ng pagkasira ng kagamitan, bahay at buhay ng ating mga kababayan. At sino ba naman ang hindi maaantig ang puso ng mga larawan ng mga batang nasalanta ng walang kalabanlaban.Talagang masakit isipin na sinapit ito ng ating mga kababayan.

Kaliwa't kanang mga bahay ang nawasak dahil sa storm surge. Walang bubong ang pinalipad ng nagngangalit na hangin ni Yolanda. Pati mga simbahan ay hindi sinanto ng mapinsalang delubyong ito. Dahil dito nagkaroon ng kakulangan ng matitirhan. Paano ba namang hindi e maging ang mga dapat san'y maaaring gawing evacuation centers ay nawasak din. Wala na ring makain ang ating mga kababayan. Walang tindahang nagnais magbukas at magtinda -- yaan ay kung buo pa ang tindahan nila. Wala ring makuhaan ng malinis na inumin. E pati nga gamot wala dahil pati mga ospital ay walang awang sinaktan ni Yolanda.

Dahil sa mga pinsalang ito, marami sa ating mga kababayan ang napilitang kumuha ng mga bagay na hindi kanila. Marami ngang looting na nangyari. Maraming mga tindahan ng pagkain ang sinalakay ng mga tao na sing bilis ng pagdagsa ng hangin at tubig. Siguro naisip nila na kung babagal-bagal ka ay magugutom ka sampu ng iyong mga pamilya. Hindi naman sa binibigyan ng excuse ang mga looters pero survival ang pinag-uusapan. Walang tulong na agad dumating dahil wasak din ang mga dadaanan. pati mga airport ay hindi rin magamit nung mga unang araw. Pero syempre nakakalungkot na makita yung iba na pati mga telebisyon at dvd players ay ninanakaw. Aanhin mo ang tv? Hindi naman nito mabubusog ang pamilya mong nagugutom. Aanhin mo ang mgabote ng pabangong ninakaw? Hindi naman nito mapapawi ang uhaw ng iyong asawa o anak. Aanhin mo ang DVD players? Magagawa mo ba itong bubong na masisilungan? Mahirap tanggapin. Pero sa isang banda ang hirap ding itanggi na hindi na normal ang takbo ng pag-iisip ng isang taong nagigipit. Marahil ay wala na silang ibang maisip na paraan upang mabuhay. Sana hindi nila gawin pero wag na lang siguro natin silang husgahan ng sing tindi ng hagupit ni Yolanda. Hindi natin alam kung ano ang nasaisip nila.

Malaking pampalubag ng loob na rin siguro ang mga nagsusulputang kwento ng kabayanihan. Sa kabila ng pansariling pangangailangan, may mga kababayan pa rin tayong inisip pa rin ang kapakanan ng iba higit sa kanilang sarili. Maganda ring pakinggan kung paanong pinahahalagahan ng ilang  kilalang tao sa ating bansa ang mga nasalanta ni Yolanda. Maraming  celebrities at showbiz personalities na nagkusang magbigay ng tulong. Sabi sa balita si Sharon Cuneta ay nag donate ng P 10,000,000. Si Kris Aquino rin ay nagbigay ng malaking halaga bukod pa sa kanyang effort sa paghihikayat sa ating mga kababayan na magbigay ng tulong. Si Regine Velasquez ay nag simula ng auction para sa kanyang mamahaling gamit pati ang kanyang necklace at ring na may sentimental value sa kanya. Si Ogie Alcasid ay nagbigay rin ng kanyang mamahaling relo tulad ng Bvlgari. Si Dingdong at Marian Rivera ay may fun run para makakolekta ng pera para sa tulong sa Visayas. Si Angel Locsin ay magpapa- auction ng kanyang Chevrolet Chevelle. Noong una pa nga ay gusto nya anonymous pero meron  ba namang naiiwang anonymous sa showbiz? Si Anne Curtis din at ang kanyang boyfriend na si Erwann Heussaff ay nag pa auction din ng kanilang mga damit.

Pati mga foreign celebrities ay nagpahayg din ng kanilang tulong. Syempre pa si Pope Francis ay magbigay din ng kanyang mensahe at panalangin.

Sana lang ay maabot na ng mga rescuers ang mga biktima ng super typhoon Yolanda para matulungan na ang dapat tulungan at maiwasan na ang kaguluhan.


Wednesday, November 6, 2013

Undas - Mga Kapansin-pansing Eksena sa Sementeryo

Noong nakaraang Undas, November 1, naglakad ako hindi sa Maynila kundi sa ementeryo sa aming probinsya. Masayang maglakad sa sementeryo lalo kung ang pakay mo ay makita ang maraming uri ng mga taong may kanya-kanyang kaugalian. 

Isa sa mga bumungad sa akin sa sementeryo ay ang isang pink coffin na pag-aari ng isang kumpanyang may kinalaman sa libing ang negosyo. Itong pink coffin na ito ay nakatayo at walang salamin. Ang pakay nya ay para makapagpa-picture ang mga tao sa loob at magka-idea sila kung ano ang magiging itsura nila sa loob ng kabaong kung sakaling sila ay patay na. Since uso naman ang selfie, pwede nilang gawin. Ang napansin ko, maraming mga kababayan namin ang tumitingin at nagtatawanan pag nadadaan sa lugar na yon pero hanggang tawanan lang naman sila. Sa ilang ulit kong pagdaan doon ay wala akong nakita ni isa mang nagpapicture o nag selfie. Marahil ay natatakot pa sila sa idea na makita ang sarili nila sa loob ng kabaong. Kahit ang mga pinsan ko na taga Maynila ay hindi rin  naglakas loob na magpapicture. 

Isang kapansin pansin ring bagay noong Undas ay ang pagbabaon ng mga pamilya ng maraming pagkain sa sementeryo. Nagbibitbit ang bawat isa ng mga basket o bag na naglalaman ng mga kasekaserolang ulam at kanin kahit pa malayo ang lalakarin bilang bawal nga ang mga sasakyan sa loob ng sementeryo. Naging tradisyon na rin kasi ang mag salu-salo tuwing Undas. 

Isang agaw pansin ay ang mga kabataang walang ginawa kundi mag  tomb hopping. Lipat ng lipat kung saan saang nitso kung san andon ang kanilang mga kaibigan. Maya't-maya mag yayayaan kung may bagong kaibigang dumating. Di mabitaw-bitawan ang mga cellphone para updated kung sino ang kadarating lang.

Syempre andyan na rin ang fashion show. Tama, fashion show sa sementeryo. Kasi syempre kailangan mong magbihis ng maganda kasi maraming makakakita sa yo. Ayaw mo namang mapag chismisang baduy ng mga nag-uumpukang tao sa kani-kanilang nitsong dinadalaw di ba? 

Nakakatuwa rin na na-invade na ng mga fast food chains na nag dedeliver ang okasyong ito. Aba, may mga stalls na ng fast food sa labas kung saan maaari kang bumili kung available ang pagkain na gusto mo o pwede kang mag-order na itatawag na lang ng crew sa main store at dadalhin naman nila kung nasaan kayo. 

Hmmm....marami ring mga negosyanteng naglipana. May nagtitinda ng ice cream,scramble, mani, balot, chicharon at kung anu-ano pa. Ano kaya ang magandang manegosyo sa susunod na taon? Cellphone charging station kaya?


Tuesday, October 22, 2013

Korean Noodles at Pagkakaibigan

Habang naglalakad ako at nag-iikot-ikot sa isang supermarket, nakita ang mga instant noodles na talaga namang kaakit akit. Habang dumaraan ako, pilit kong iniiwasang tumingin pero parang tinatawag talaga ako ng mga instant noodles kaya't di ko napigilang tumigil at lumapit.

Isa-isa kong nilapitan ang mga nagsisitawag na instant noodles at tiningnan silang wari'y aking mga kakilala.  Dinaaan ko syempre ang mga instant chicken mami at instant beef mami. Andun din ang mga pansit canton. Aba, at may instant spaghetti at carbonara pa. Pero ang nakapukaw talaga ng aking pansin ay ang mga Korean noodles. Parehong pareho rin sa totoong kalakaran ng mga tao. Gaya ng pagkakaroon ng maraming Koreano e naglipana na rin ang mga Korean noodles.

Naagaw ang aking attention ng mga Korean noodles na ito dahil bigla kong naalala ang spicy Korean noodles na ipinagmamalaki sa akin ng isang kaibigan. Talagang ibinibida nya ito sa akin ng walang humpay. Animo'y kakaibang pagkain ito kung kanyang ipagmalaki.

Hindi ko pa iyon natitikman kahit matagal ko ng naririnig na masarap daw. Hindi kasi ako madalas magawi sa linya ng mga imported noodles. Masaya na ako sa mga local brands. At isa pa, sa aking pagkakatanda, ipinangako sa akin ng aking kaibigan na ipatitikim nya ito sa akin. Nagkabati na ata ang North at South Korea at hindi na natuloy ang Korean War eh hindi ko pa rin natitikman ang nasabing Korean noodles.

Kaya naman ng makita ko ito ay akin ng binili. Baka kasi kung hihintayin ko pang ipatikim ito sa akin gaya ng sinabi eh mag-asawa na si Bimbi Yap at Ryza mae Dizon ay hindi ko pa rin natitikman. Mas malala pa eh baka magkalaban na ang anak ni Jeric Teng at Jeron Teng sa UAAP eh hindi pa rin  nya naaalala ang pangako.

Ang pinili ko ay ang Spicy variant at hindi ang Hot & Spicy. Kasi naman, sa litrato sa balat ng noodles eh mukhang uusok talaga ang tenga ko sa Hot & Spicy na yun.

Pero may  sinabi rin namang tama ang aking kaibigan. Masarap naman talaga. Pero sobrang anghang. Ang init sa tenga at lalamunan. Paano na lang kung yung Hot & Spicy ang aking pinili.

Tulad ng noodles, Korean man o local, may iba't ibang level din ang pagkakaibigan. Merong umaabot sa puntong maaanghang ang pagkakaibigan. Matindi ang samahan at nanunuot sa kaibuturan ng puso. Pero meron ding samahang tinatabangan. Nawawala ang anghang o naluluma sa paglipas ng panahon. O baka naman sa simula pa lang ay wala ng anghang kayat hindi rin nagtagal. Hmmmm.....makakain na nga lang. 

Wednesday, October 16, 2013

Karatulang Nakakatuwa - This Door Are Close

Sa tinagal  tagal ko na sa Maynila, marami na rin akong napasukang mga tindahan, kainan at kung anu-ano pang establisimento. Ibat-ibang karatula na ang aking nabasa sa pagpasok ko sa mga ito. Pero may isang karatulang nagbigay sa akin ng kasiyahang wagas. Mahirap ipaliwanang kung hindi nyo makikita kaya et, tingnan nyo muna ang larawan bago ko ito ipaliwanag.


Siguro naman natawa rin kayo di ba?

Nakita ko ito limang taon na ang nakararaansa isang tindahan ng cake dyan sa may Jupiter malapit sa kanto ng Makati Avenue. Sa gilid ito ng mgakainan at convenience store sa isang malaking gasolinahan. To be exact, nakita ko ito June 24, 2008. Kung nabubuhay pa ang nanay ko kaarawan nya ang araw na yun. At kung nabubuhay sya, maaaring matawa rin sya dito.

Pero sa kabila ng pagtawang aking ginawa, may bahid pa rin ako ng pagkalungkot. Isipin mo kasi, isa itong kilalang tindahan. May pangalan kung maituturing. At bilang may pangalan, iisipin mong ang kanilang mga store supervisors or branch managers ay dumaan din naman sa matinding pagsusuri. Malamang ay nakapag-aral sila at nakapagtapos ng kursong hindi bababa sa apat na taon. Siguro naman, hindi man nanggaling sa napakagagaling na paaralan ng kanilang mga bisor e alam nila kung ano ang mali sa karatulang iyon.

Ang hirap isipin na hindi man lamang nila ito na-check. At mahirap isipin na walang nakakapansin isa man sa kanila dito sa araw-araw nilang pagtatrabaho.

This door - this ay tumutukoy sa isang bagay lamang at dahil door at hindi doors ay talagang patunoy iisa lamang ang tinutukoy. Pero ito aysinundan ng are na ginagamit sa pangmaramihan --  higit sa isa o dalwa pataas. Close - hindi kaya malapit sa isa't-isa ang ibig sabihin nito? Used the main door. Sino ang gumamit? Kailang ginamit ang main door. 

Ayaw ko naman magmukhang nagmamagaling at nagmamayabang.  Ako man ay nagkakamali rin sa grammar. Pero ilang mali naman ito sa iisang pangungusap. Kung yung are lamang ang mali, sige na nga, baka nalito lang. Pero close at used kasama? Nakakalungkot naman.

Pero sige na nga, intindihin na lang. Eto ngang post na ito na nasa sa salitang tagalog e may mga mali, yun pa kayang post na nasa salitang banyaga.

Hanggang dito na lang. This post are close waited for  the next post tomorrow....

Tuesday, October 1, 2013

Mr. Scott, a taxi, a thief, aleng mabait, Devina DeDiva and more thieves

Kagabi, habang bumibili ako ng sabon sa tindahan malapit sa bahay, isang foreigner ang lumapit sa isang aleng malapit sa akin. Ang ale ay naglalagay ng cover sa kotse nya. Naririnig ko ang tinig ng ale pero hindi ko marinig ang sa foreigner. Ang ilan sa mga sinabi ng ale ay, Valle Verde, Pasig, taxi at MOA.

Pinaupo ng ale ang foreigner sa upuan sa labas ng tindahan na aking binibilhan habang inutusan nya ang kanyang tauhan (apparently, may-ari sya ng laundry shop katabi ng tindahan) upang kumuha ng papel at ballpen. Sinabihan nya ang foreigner na gagawa sya ng sketch. Sa mga sumunod na usapan nila ko nabatid na ang foreigner ay sumakay ng taxi mula sa MOA papuntang Valle Verde. Inilagay daw nya ang bag nya sa trunk ng taxi at tinakbuhan ata sya. Nadukutan pa ang pobreng mamang maputi.

Foreigner: This is the first time this happened to me in a taxi. I've learned my lesson. I'll never put my bag in the trunk. This is embarrassing. (kaya siguro bumulong lang sya halos.)
Aleng mabait: I'll make the sketch for you.

Ang ale pagkasabing gagawa sya ng sketch ay tumingin sa akin waring nagtatanong kung paano nga ba pumunta sa Valle Verde. Hindi ko rin alam. Sabi ko na lang taxi tapos dadaan sa EDSA at kakanan sa may Ortigas Ave sa may Robinson's Mall. Sabi ng Ale ah pwede nga daw.

Aleng mabait: What's your name sir?
Foreigner: Scott #@$^&@ (Di ko na lang ilalagay kasi baka ayaw nya malaman -- as if maraming nagbabasa.  I think Mr. Scott *^^#^ is an American. Tunog American ang pangalan. Tinawag nyang taxi ang taxi at hindi cab so he's probably not English).
Aleng mabait: Okay Mr. Scott. I'll give you P150. I think that's enough to reach Valle Verde (sabay tingin sa akin at ako naman ay tumango). Then I'll give you my  number as well and text me tomorrow (di ko alam kung tungkol sa bayad o para malaman nya lang kung nakarating ng maayos si Mr. Scott)
Scott (may pangalan na sya): This is embarrassing but thank you.
Aleng mabait: Why don't I just write mynumber here. I'll not do the sketch anymore (mukha naman kasing hirap na hirap sya simulan e). I'll just go  with  you at the corner and help you call a taxi. I'll give the instructions and I'll also write the plate number.

Hiyang hiya si Mr. Scott sa nangyari. Feeling nya siguro ang tanga tanga nya. Ako rin nahiya kasi isa na namang foreigner ang naisahan ng isa nating kababayan. Hindi ako nahihiya dahil foreigner sya at ang tingin ko sa kanya ay dapat may special treatment. Nakakahiya lang kasi noong umaga lang na yon sigeng pagtatanggol pa ako sa mga Filipino (mga Pinay to be exact). Kasi kung maaalala nyo, isang Devina DeDiva ang nangutya sa mga Pinay ng manalo sa Ms. World 2013 si Maegan Young. Sabi nya na ito ay isang joke. Hindi nya lubos maisip na mananalo ang isang Filipina dahil mga maid ang tingin nya sa mga ito. Angdaming nagtanggol kay sa mga Filipina hindi lamang mga kababayan natin pero maging mga dayuhan rin. Ako rin nakisali na. Kaya parang nakakainis na may mababalitaan kang ilang mga kababayan rin natin ang gumagawa ng masama para madungisan kahit bahagya ang ating bansa. So anong susunod sa maids, ang mga Pinoy ay thieves. Sabagay, hindi naman na katakataka ito kung ang pinakamalaking isyu nga sa bansa ay ang nakawan sa pinakamatataas na pwesto.

image from numerous facebook posts

Monday, September 30, 2013

Chito and Neri Scandal - Galit at Ganti?

Narinig ko kagabi na usap usapan sa may kanto na may  bagong sex video na naman daw si Chito Miranda at si Neri Naig. Akala ko naman hindi totoo kasi wala  pa  nga yatang isang buwan nung may lumabas yungunang video so parang imposible naman na meron nga. Pero totoo pala. Pagkabukas ko ng balita sa internet kanina yun agad ang isa sa mga unang tumambad sa akin. Meron nga pala talagang pangalawang video.

Nakakaawa naman itong dalawang ito. Sa unang banda baka magalit kayo sa akin sa pagsasabi kong kawawa sila. Hindi naman sang ayon ako sa dalawang ito. Sa tingin mali silang talaga sa pagkuha ng video ng kanilang sexual acts. Kahit pa sabihin ni Chito o ni Neri for personal consumption lamang ito, hindi pa rin tama. Sige, sabihin na nilang hindi mali ang pag vi-video kung yan ang pinaniniwalaan nila. Pero hindi ba sila natakot na malaki ang posibilidad na malantad ito? Sa dami na ng mga ganitong kaso nung mga nagdaang panahon, sana natakot sila.

Magulo ba ako? Sabi kanina naaawa ako sa kanila. Pero sabi ko rin na mali sila. Totoo namang pareho. Naniniwala ako na mali sila. Pero naaawa ako kasi  parang sinasadya naman yata ang paglabas ng mga videos na ito. Para kasing may plano talaga ang paglalabas nito. Kasi kung titingnan mo pwede naman ilabas lahat ng videos noong una di ba? Pero hindi nilabas agad ang part 2. Kasi nga naman, pag lumipas na ang ingay sa uang labas eh wala ng pag-uusapan. Di ba pang ganoon na nga ang nangyayari. So kung may itatago  ka pa nga naman, may mailalabas ka pa ulit pag tumahimik na ang alingasngas. Wais di ba?

Sa tingin ko may nagawan ng kasalanan ang isa kina Chito at Neri kaya nangyayari ito. Baka may nasagasaan silang tao. Kung ganon e di ba parang tama lang ng gawin ito sa kanila? Pero hindi rin sa aking opinyon. Kung sinaktan ka e matutuwa ka bang gumanti? Baka kasi sa huli makonsyensya at ikaw din ang mawalan ng peace of mind sa bandang huli. Tsaka baka yung ginantihan mo eh hindi lamang sya ang masasaktan kundi ang mga iba rin taong nakapaligid sa kanila na wala namang malay sa kasalanan nila. Parang napaka helpless naman nila.

So ano na naman ba ang magulo kong punto? Wala masyado. Ang sa akin lang, kung pwede namang hindi gumanti eh wag na lang. Kasi baka gumanti ulit yung ginantihan mo eh paikot ikot na yan. Vicious cycle na yan. Parang mga fraternity wars at clan wars. Mahirap na itigil yan. Mahirap na sugpuin.



Sunday, September 29, 2013

Ms. World 2013 Maegan Young - Ganda at Galing ng Filipina

Kahapon ng tanghali dumaan sa bahay yung nagpapataya ng STL (small town lottery) na mas kilala sa tawag na jueteng o weteng. Sa kanya ko nalaman na nanalo pala si Maegan Young na Ms. World 2013. Sya ang kaun-unahang Pinay na nagwagi sa Ms. World.

image from www.philstar.com


Isang malaking pahinga itong pagkakapanalo ni Maegan Young sa Ms. World 2013 dahil araw-araw na lang ay puro mga hindi magagagandang balita ang ating naririnig. Napoles. Revilla. Enrile. Estrada. Pork Barrel. Zamboanga. Magandang balita ito sa ganitong madilim na panahon para  sa ating bansa.

Maganda naman talaga si Maegan di ba? Walang duda na umangat ang kanyang angking ganda at talino sa pageant na ginanap sa Indonesia. Hindi naman katakataka na sya ay manalo dahil sa mga competitions bago ang actual na pageant e talaga namang matunog na matunog ang pangalan nya.

Ang nakakatuwa bukod sa pagkapanalo nya ay nabalitaan kong gumamit daw sya ng mother tongue sa isang interview. Kahit na magaling syang mag English e makikita mong proud syang sya ay isang Filipina. Nakakatuwa rin na nakasama sya sa world dances at ipinakita nya ang singkil na alam nating sayaw sa Sothern part ng Pilipinas. Isa itong sayaw ng mga Muslim. Magandang move na ito ang pinili nyang sayaw sa gitna ng controversy na bumabalot sa Ms. World 2013 dahil sa protesta ng mga Muslim groups.

Nakakatawa lang na sa isang balita daw sa CNN (na hindi ko pa naman na verify kung totoo) ay naka headline na she was born in the US. Totoo naman pero atin ang panalong ito sa wala muna sanang makihati hehe. Itong pagkakapanalo nya bilang Ms. World 2013 at victory nating mga Filipino kaya ipagbunyi natin at ipagmalaki.

Mabuhay ka Ms. Maegan Young. Mabuhay ang ganda at galing ng Filipina.

Standing Ovation ba kamo?

Nabasa ko sa isang tabloid ang isang showbiz news tungkol sa isang dayuhang singer na nag concert dito sa Pilipinas. Tungkol ito George Benson (with Patti Austin as special guest) at kay G. Mike Enriquez ng 24 Oras at Imbestigador ng GMA 7. Ayon sa nasabing article, may nagsabi daw sa sumulat na si G. Mike Enriquez  ay hindi tumayo pagkatapos ng performance ni George Benson gayong ang lahat ay nagsitayuan at pumalakpak.

image from www.philstar.com

image from mrcheapjustice.wordpress.com

image from ph.news.yahoo.com

Sa tingin ko kapansin pansin nga sya kung hindi sya tatayo dahil isa syang kilalang tao. Idagdag pa dito na nakasanayan na ata ng mga Pilipinong manonood na tumayo kung ang karamihan ay tumayo. Pang standing ovation e halos marami ang nakikitayo dahil nakakahiya nga naman kung sila ay hindi tatayo. Sa iba ngang mga pagtatanghal e pina-practice pa ang standing ovation. Ayaw nyong manila? Subukan nyong mag-attend ng practice ng grraduation rites sa mga schools. Pina-practice ang pagtayo bago at pagkatapos magsalita ng guest speaker. Ito raw ay pagbibigay galang sa inimbitahan. Bilang ang mga guest speakers ay inimbitahan ng mga school officials ay dapat naman talagang bigyan sila ng ganitong respeto. Pero hindi naman ata ito required kung nanood ka ng concert o ano mang pagtatanghal.

Ang pagtayo para sa isang performer ay pagpapakita ng paghanga sa magandang performance. Ito ay base sa kung gaano kaganda at gaano mo na-appreciate ang pagtatanghal. So nangangahulugang subjective ito. Maaaring gandang ganda ang marami sa performance pero ako ay hindi naman lubusang humanga. So bakit ako magbibigay ng standing ovation kung hindi naman ako nabighani talaga sa palabas. Kung tatayo ka dahil lamang tumayo ang iba e hindi ba pagsisinungaling yun? Kung para sa respeto ang pagtayo, may wag na lang sanang tumayo kung hindi mo naman talaga nagustuhan ang performance kasi mas lalong kawalan yun ng respeto.

Sa tingin ko, ang pagbibigay ng standing ovation sa mga performances ay dapat iaayon sa kung gaano kaganda o kagaling ang napanood. Hindi ito dapat compulsory. Sa mga speeches okay yan kasi imbitadong guest yan na magbibigay ng inspirational talk. Pero sa mga paid performances, dapat lang ibigay ang standing ovation para sa mga awesome and outstanding performances.

Ang isa pang kapansin pansin sa sinabi sa article ay ang pagbibigay pansin sa pagiging foreigner ng performer. E ano naman ngayon kung foreigner? Kung kailangan ng standing ovation then ibigay yun ke foreigner pa yan o local.

Wala naman masama sa sinabi ng sumulat. Kung sa tingin nya ay mali si G. Mike Enriquez e nasasakanya na yun. Wag sya mag standing ovation para kay G. Enriquez. Pero nasakay G. Mike Enriquez naman yun kung nagandahan sya o hindi sa palabas.

Nabanggit din pala sa article na yun na nung nanood daw si PNOY ng concert ng Kalapana e may reserved seats daw para dito at sa kanyang mga kasama pero sa halip daw na sya ang umupo ay pinaupo doon and mga PSG nya. kapansin pansin daw ito. Wala namang masama kung PSG ang naupo doon. Siguro naman marunong din silang mag-appreciate ng good music. Hindi naman ata bawal yun. Maaring maupo si President Noy Aquino saan man nya nais maupo basta wag lang syang mang-aagaw ng upuan. At sa tingin ko mas okay na nga na sa lower box sya naupo at hindi sa harap dahil kahit papaano ay makakaagaw sya ng eksena sadyain man nya o hindi. Bilang Pangulo, siguradong marami ang maghahangad na makita sya -- garapalan man o pasimple.


Friday, September 20, 2013

WARNING: Ito ay naglalaman ng mga bagay tungkol sa Babala at Common Sense

Habang bumibili ako ng aking breakfast sa isang karinderya, narinig ko ang usapan ng isang binata at ng kanyang ina. Habang binabalot ang binili kong hotdog dumating ang binatang anak ng may ari ng tindahan.

Nanay: O nagbayad kayo?
Anak: Opo. 300 nga e.
Nanay: Eh ganun talaga.
Anak: Pero wala naman kasing nakalagay na sign na bawal tumawid.
Nanay: Eh alam mo namang walang tawiran doon eh.

Sa aking pagkakaindtindi sa pinag-uusapan nila ay nahuli ang anak ng jaywalking. Tumawid sya sa isang lugar na ipinagbabawal tumawid. Sa kanyang pananaw ay hindi sya mali dahil wala daw sign pero parang sa tunog ng pananalita ng ina e mali talaga ang ginawa ng anak.

Sa tingin ko may punto ang anak. Mahalaga kasi ang pagkakaroon ng signage. Ito ay nagsisilbing babala sa mga tao ng mga dapat at hindi dapat gawin at sya naglalayo sa kanila sa mga maaaring kapahamakang kanilang salubungin. Mahalaga ang pagkakaroon ng mga signage gaya ng "WALANG TAWIRAN, NAKAMAMATAY" na ngayon ay may isang pang bersyon na nagsasabing "BAWAL TUMAWID, MAY NAMATAY NA DITO" na sa totoo lang ay nakakapagpangiti sa mga first time na makakabasa nito.
image from lakbaydiwapinas.com
image from buhaylakbay.wordpress.com

Ang mga babalang tulad nito ay ginawa para sa kaligtasan ng mga mamamayan. Ang nakalulungkot lang ay kadalasan, may mga tao pa ring hindi sumusunod. And iba pa nga ay sadyang nananadya lamang na sumuway. Pero gayun pa man, kahit madalas itong suwayin, hindi pa rin dapat maging dahilan ito upang huwag ng ilagay ang mga babala dahil kahit papaano ay may mga maliligtas pa ring buhay dahil dito.

Pero sa isang banda, kung minsan naman ay kailangan din ng mga tao  ng common sense. Kung wala mang babalang nakalagay, kailangan pa rin naman ng taong mag-isip at gumamit ng common sense. Kung halimbawa, malapad ang kalyeng tatawirin at maraming mabibilis na sasakyan, dapat naman ay maisip nating hindi dapat basta basta na lamang tumawid. Maghanap ng overpass. oKung wala namang overpass, maglakad papunta sa may  intersection o kung saan may traffic sign dahil malamang ay naroon ang tamang tawiran. Hindi na kailangan sabihin na "BAWAL TUMAWID, MAY NAMATAY NA DITO" dahil obvious naman na delikado naman talagang tumawid sa mga ganong lugar.

Naisip ko tuloy ang isang kwentong aking narinig matagal na panahon na ang nakalipas. May isa raw American ang nagdemanda sa McDonald's dahil sya ay nadulas sa loob ng tindahan. Matagal na kaya  di ko na sigurado kung McDonald's nga pero kung ano mang tindahan ito ay iisa lang naman nais kong punto. Basa daw kasi ang sahig at walang nakalagay na "WET FLOOR" o "SLIPPERY WHEN WET" kaya sya nadulas. Hmmmm.....oo nga naman. Walang babala. Pero di ba obvious naman na pagbasa ang sahig e malamang na madulas yun? 
image from worldwidefilters.com

May isa pa ring kwento na sa McDonald's din ata nangyari. Nademanda rin daw sila dahil napaso ang isang customer dahil sa chocolate drink o coffee. Ang sabi, wala daw babala sa cup na "HOT" ito kaya napaso ang customer. Hmmmm......hindi ba masyadong obvious kung mainit o hindi ang coffee o chocolate drink?
image from fortybythirty.com

Ganun pa man, kahit obvious na ang isang bagay, mahalaga pa rin ang signage o warning sign. Karapatan ng isang customer o isang mamamayan na mapangalagaan ang kanyang kaligtasan. Ngayon, isang bagay na madalas mo ng makikita sa mga fast food chains gaya ng McDonald's ay ang dilaw na warning device na nagsasabing "Caution: Wet Floor". Gayun din ang warning sa takip ng drinks nila na nagsasabing "Caution: hot drink".


Wednesday, September 18, 2013

Pedicab Driver - My Husband's Lover?

Kahapon nakisilong ako sa may isang sari-sari store upang maghintay na tumila ang ulan. Habang ako'y nakatayo, narinig ko ang grupo ng mga pedicab drivers na nag-uusap.

PD1: oo nga, nagpakamatay sya.
PD2: hindi naman sya natepok....di naman natuluyan
PD1: pero nagbaril pa rin
PD3: hindi mo rin naman masisisi si Vincent kasi talagang gulong-gulo na sya
PD1:  kasi naman si General e. siguro na rape yun ng bakla sa kampo.

O, kung ikaw kaya ang marinig nyan hindi ka ba magugulat? Mga drivers nanonood ng My Husband's Lover? Hindi naman sa panghuhusga ha pero eto kasing mga drivers na ito yung tipong medyo mag-aalangan kang sumakay sa gabi lalo na kung babae ka. Hindi naman sa pangmamaliit pero hindi sila yung tipikal na friendly neighborhood drivers. Hindi mo talaga iisiping sa una e manonood sila ng drama sa telebisyon tulad ng My Husband's Lover at lalo ng teleseryeng tungkol sa bakla tulad nga ng My Husband's Lover.

image from www.gmanetwrok.com

So ano ang punto kong nais sabihin dito. Walang masyado. Isa lang itong patunay na marami talaga ang nanood ng palabas na iyon. At isa rin itong patunay na hindi naging hadlang ang di pangkaraniwang tema na iyon upang panoorin sya hindi lang ng mga babae kundi ng mga lalaki rin.

image from www.gmanetwork.com
Sabi ko kanina di pangkaraniwang tema ang temang My Husband's Lover. Hmm....maaring hindi it pangkaraniwang main theme ng isang palabas sa telebisyon pero kung tutuusin, madalas ng kalahok ng mga istorya ang usaping bakla. Kadalasan ng lang e pahapyaw lang o di kaya ay inilagay lang upang magbigay ng katatawanan.

Wala naman talaga akong masyadong punto. pero kung kailangan kong magpakalalim e eto na lang ang ipipilit ko mema (memasabi) lang. Itong aking nasaksihan ay isa lamang pahiwatig na hindi sa anyo o itsura ng tao lamang dapat ibase ang kanyang katauhan. Hindi porke't mukhang brusko o sabihin na nating mukhang sanggano ang isang tao e wala na silang karapatan magaka interes sa mga may kalambutang bagay tulad ng teleseryeng tungkol sa syoke (batay sa salita ni Genral Armando Soriano). At sa ganun ding linya e hindi rin dapat husgahan ang mga bading dahil sila ay bading. Ang kanilang pagkatao ay hindi dinidiktahan ng kanilang sexual orientation lamang kaya't hindi sila dapat husgahan dahil doon lamang.

image from 7107simplejoysofbeingpinoy.wordpress.com

O ayan, naipilit ko ng magkaroon ng mas seryosong punto ang post na ito. So ano na nga kaya ang mangyayari kay Vincent at Lally? Sila pa rin kaya hanggang sa huli bilang sila ay kasal at may mga anak na? Sa sulat ni Vincent kay Lally mukhang mahal naman nya si Lally e. Ganda nga ng pagmamahak na yon dahil hindi pagmamahal na nababahiran ng ano mang uri ng pagnanasa. E may Vincent at Eric kayang matutunghayan sa huli? Mukha namang mahal rin nila ang isa't-isa. Pero ang dami ng gulong umusbong dahil sa pagmamahalan nila. Di kaya bad vibes na yun? Paano na si Martin? Martir na Martin. E si Zandro nawala ng kasing bilis ng kanyang pagdating. Hmmm....sabay-sabay na lang nating hulaan ang ending. 

Monday, September 16, 2013

Para Saan ang Wheelchair Mo?

Noong Sabado galing ako at ilan sa aking mga kaibigan sa Yakimix sa Tomas Morato. Nagsalo-salo kami dahil ang isa ay aalis upang mag-aral sa ibang bansa. Masaya ang kainan at alam kong nasulit naman namin ang ibinayad doon.Pero parang hindi kami nakuntento at tumungo pa kami sa Shangri-La Plaza sa Madaluyong upang kumain ng gelato sa Morelli's. Hindi pa rin natapos doon kasi naisipan pa naming magkape naman sa The Coffee Bean and Tea Leaf sa kabilang building ng mall. Papalabas na kami ng mall na makakita ako ng isang wheelchair sa may entrance ng mall. Marahil ay nakahanda ito para sa mga dadating na walang dalang sariling wheelchair o baka naman e para sa ina-anticipate nilang madudulas sa labas kasi madulas ang daan noon kasi umuulan.

image from www.how-to-draw-funny-catoons.com


Naisip ko tuloy kung meron na nga bang nakahandang wheelchair sa labas ng Senado ng Pilipinas. Alam nyo naman siguro na merong mga nagaganap ng hearings in aid of legislation tungkol sa PDAF o pork barrel scam. At di rin naman siguro lingid sa inyong kaalaman na marami ang biglang napapaupo sa wheelchair sa ganitong mga panahon.

Sigurado akong natatandaan nyo pa ang mga nagdaang kilalang tao na naging aksesorya ang wheelchair tuwing may ganitong pagdinig sa Senado. Sa mga di kalayuang nakaraan e matatandaang ginamit ito ng dating Chief Justice Renato Corona. Gayun ang dating Pangulong si Gloria Macapag Arroyo. Para sa akin, ang pinaka-bongga ang pagkakagamit ng wheelchair ay si  PGMA dahil ito ay kanya pang kinomplementahan ng mga braces sa leeg. At hindi rin naman maikakailang nangayayat nga sya noong mga panahon ngayon.

Pero nalik tayo sa aking naisip noong makita ko ang wheelchair na yon sa Shangri-La. handa na nga kaya ang mga senador na damay sa pork barrel scam na maupo sa silyang de gulong? Ang katanungang ito ay nasagot na iilang araw pa lang matapos ko itong maisip. Ayon kay Sen. Jinggoy Estrada ay naka-confine ngayon sa ospital si Sen. Juan Ponce Enrile dahil sa high blood pressure. Hmmmm.....hindi man sya nagpakita sa senado ng nakaupo sa wheelchair e hindi kataka-takang umupo rin sya dito papasok ng ospital. At sinong makapagsasabi kung hindi nga ba sya uupo sa silyang de gulong sa mga susunod na pagdinig. Harinawa'y bumuti ang kayang pakiramdam ng hindi magkaubusan ng wheelchair kasi marami pang mga personalidad na nadadawit.

Ang wheelchair ay mainam na upuan para sa mga taong ma karamdaman. Ito ang kanilang nagiging gabay kung hindi na sila makalakad ng maayos bunsod ng karamdaman. Ito ang kanilang paraan para makalabas o makalayo o makarating kung saan man ang lugar na kanilang nais puntahan. Ito ang kanilang paraan upang makatakas sa hirap na pinagdadaanan.

image from telegraph.co.uk


Ganito rin kaya ang nararamdaan ng mga nasasakdal sa kanilang pag-upo sa wheelchair? Ito bay nagsisilbing  gabay nila upang makausad papunta sa isang lugar na kung maaari ay nais nilang iwasan ngunit kailangang puntahan o ito bay gabay  upang silay makausad papalayo sa pinagdadalhan/ Ito bay kanilang paraan upang makalayo sa problema? Ito bay kanilang ginagamit upang makatakas sa mga  nakaambang problemang sa kanila'y humaharang. Hindi natin alam. Sila lamang ang maaring makasagot nyan.


Friday, September 13, 2013

Alyas Tanda, Alyas Pogi

Narinig kong nagtatawanan ang isang grupo ng mga ale habang ako'y bumibili ng softdrinks sa tindahan. Ang pinagtatawanan nila ay ang codename na tanda na ibinigay ng mga sinasabing utak ng P10 B pork barrel scam na si Janet Lim Napoles at ng dating kasamahang si Benhur Luy.

Janel Lim Napoles - ang larawan ay mula sa newsinfo.inquirer.net


Nakakatawa nga namang isipin na binansagan na tanda ang isang senador na ang sabi ay si Sen. Juan Ponce Enrile. Sa tingin ko'y hindi naman ito minasama ni Sen. Enrile. Bukod sa hindi naman siguro kaila sa kanya na siya ay talagang may edad na ay magrereklamo ka pa ba lalo na't kung totoo ang laki ng halagang nakukuha nya sa mga transaksyon nya kay JLN.

Pero hindi lang ito ang mga bansag na nabunyag at nakasulat umano sa mga notebook na may sarisaring kulay. Sa mga notebook na ito naka saad ang mga transakyon daw nina JLN at nina "sexy" at "pogi". Yung alyas daw na "pogi" ay para kay Sen. Bong Revilla Jr. Hindi na ito kataka-taka kasi  para sa maraming Pilipino e pogi naman talaga sya. Pero yung "sexy" na alyas umano ni Sen. Jinggoy Estrada (na hindi mabanggit-banggit ni Benhur Luy sa kanyang unang pagharap sa senado) ay nagdulot din ng hindi iilang halakhak o hagikhik mula sa mga nakarinig. Pero may justification naman e. Dati daw kasing mataba na nakapagbawas n ng timbang. Yun naman pala e.

Pero kung ating susuriin, nakakatawang isipin na hindi rin pala naiiba ang uri ng pagbabansag o panghuhusga na ginagawa ng mga taon "may pera" tulad nila JLN at ng mga kapus palad na buong araw na tumatambay lang sa may kanto o sa gilid ng lansangan at ganun na rin ng mga ordinaryong emplayado ng sumesweldo ng sapat o lagpas ng kaunti sa sapat.

Di nga bat ang pagbibigay ng bansag ay pangkaraniwan naring gawain ng maraming Pilipino? Sa mga opisina, di ba mayron kayong mga bansag sa mga boss nyong kinaiinisan ninyo? ganoon din sa mga kasamahan nyong di nyo makasundo. Maski nga sa mga kaibigan nyo minsan meron din kayong alyas lalo na pag hindi sila nakasama sa lakad.

Sa mga paaralan, ang mga mag-aaral ay may bansag din sa kanilang mga guro. Ms. Sungit, Ms. Tapia, terror, si kwatro, si babsy at kung anu-ano pa. Pero wag ka, ang mga guro meron din yang mga bansag sa kanilang mga estudyante.

Ang mga artista meron din yang mga bansag galing sa kanilang mga tagahanga at mga bashers. Sa isang website si Marian Rivera ay may bansag na "psychology" dahil sa pagbanggit nya minsan sa isang interview na "psychology ako" na marahil ay nangangahulugang psychology graduate ako. Meron din silang tinatawag na chopstick o toothpick. Meron "time giver" na sa aking hula ay si Toni Gonzaga. May masasama pa ngang salita tulad ng "halitosis" o "malamdi".

Ang punto ko ay kahit saan meron kang maririnig na mga basag sa mga taong ayaw o gusto natin. Maaaring ang mga ito ay may katotohan o dili kaya naman ay nagsisilbing pang-aasar lamang.

Bilang katuwaan, sige  nga, isipan natin ang ilang mga personalidad ng magandang alyas. Bato, bato sa langit, ang tamaan, ewan.

Halaw po ito sa mga narinig ko sa mga usap-usapan o nabasa sa mga sites kung saan-saan. Hindi  po ako nalilibak o  nanlalait. Sinasabi ko lang pa ang aking mga narinig.

(1) VP Jejomar Binay - "negro"na sa tingin ko ay hindi naman nya kinaiinis
(2) Sen. Nancy Binay - ano pa ba e di "negra" na sa pagkakaalam ko ay nagawa pa nga nyang positive nung panahon ng kampanya.
(3) Megastar - "negastar" dahil daw sa kanyang pagpatol sa mga bashers sa twitter.
(4) President Noynoy Aquino- "penoy" bilang palalaro sa nakasanayang bansag sa kanyang PNoy
(5) Ruffa Gutierrez - "cougar" dahil daw sa mga pinaggagagawa nya sa edad nyang yan. Sa tingin ko e hindi pa naman ganun katanda si Ruffa para bansagang cougar.

Ruffa Gutierrez - ang larawan ay mula sa www.abs-cbnglobal.com

 (6) Ruffa Mae Quinto - "booba" halaw sa kanyang mga roles sa pelikula
(7) Atty. Lorna Kapunan - "eyeshadow" dahil marahil sa kanyang kakaibang hilig sa paglalagay ng eyeshadow
(8) Sen. Miriam Santiago - "brenda" na lumabas noon pang 1992 presidential  elections. Dahil sa tapang at galing nya at sa mga  hirit nyang kakaiba e hindi ko alam kung ito ba'y makatarungang bansag o nakakatawa lamang. 
(9) Vice Ganda - "giddy", "horsey", at marami pang iba dahil (nga ba?) sa kanyang role na Petrang Kabayo.
(10) Marian Rivera - bukod sa "psychology" e tinatawag din "meynteyn" dahilsa pagbigkas nya ng salitang maintain.
Vice Ganda - ang larawan ay kinuha ko sa philSTAR.com

O ha, walang magagalit. Sige ka mababansagan kang "pikon". Hahaha




Thursday, September 5, 2013

Push or Pull - Tulak o Hila

Isa sa mga karatulang madalas nating makikitang nakadikit sa mga pintuan ng tindahan, opisina, bangko o kung saan-saan pa ay ang karatulang nagsasabi ng "Push" at "Pull". Nagpapahiwatig ito ng tamang paraan ng pagbubukas ng lagusan. Nakakatawa lang isipin na sa ilang pintuan ay may mga translation pa ng dalawang naturang salita. "Tulak" o "Hila". Sa isang banda, ito marahil ay okay kasi may ilang mga Pilipino na baka nalilito sa kahulagan ng mga salitang ito. Pero sa ganang akin, iilan lang naman siguro ang mga ito. Simple lang naman at marahil, kahit ang hindi nakapag-aral ay alam na ito base na rin sa kanilang mga karanasan.

Marahil, marami sa mga may ari ng tindahan ang nakakapansin na maraming mali ang ginagawang pagbubukas ng pintuan kaya't inisip nilang i-translate. Iniisip nilang hindi naiintindihan. Ngunit gaya nga ng sinabi ko, iilan lang siguro ang hindi nakakaalam ng ibig sabihin ng push at pull. Mas matindi sigurong dahilan kaya't marami pa rin ang mali ang ginagawang pagbubukas ng pinto ay dahil sa hindi sila masyadong nagbibigay ng pansin sa karatula. Marahil, marami ang absentminded o kaya ay preoccupied ang utak. Sa dami rin naman kasi ng ating iniisip, minsan hindi na talaga natin napapansin ang mga bagay na tulad nito. Halimbawa, litong lito ka na sa kung ano bang sapatos ang bibilhin mo at palipat-lipat ka na sa iba't ibang tindahan, mapapansin mo pa ba ang push o pull na 'yan. O kaya naman ay excited kang pumasok sa flower shop dahil bibili ka ng flowers para sa asawa mo, mahihigitan pa ba 'yon ng pag-intindi sa kahulugan ng push o pull? Ito naman ay aking sinasabi hindi upang sabihing wag ng bigyan ng pansin ang push o pull signs. Mahalaga nga sila kung tutuusin. Ang pagsunod sa simpleng karatulang ito ay maaaring maging dahilan sa pag-iwas sa aksidente o makasakit ng ibang tao. 

Minsan, may mga maliit na bagay talagang naiisantabi dahil sa mas mahahalagang concerns. Ganyan naman talaga ang buhay di ba? May mga  bagay na kailangang i-prioritize minsan o may mga bagay na mas nabibigyan natin ng halaga. Ngunit hindi ito nangangahulugan na ang mas mababang priority ay dapat na talagang ipagwalang bahala. Tulad ng sa pinto, ang pagbabaliwa sa mga maliliit na bagay ay maaari ding makapag dulot ng masama. Maliit mang bagay, mainam pa rin kung ito'y bibigyan ng pansin.


Sunday, September 1, 2013

Room for Rent

Noong nakatira pa ako sa may area ng Libertad sa Pasay, madalas kong makita pag papasok ako sa opisina ang isang karatulang nagsasabing "roon 4 rent". Ang room for rent na sign na ito ay naka-print sa isang short bond paper at idinikit sa isang pader sa pamamagitan marahil ng pandikit na gawa sa harinang nilusaw sa tubig at pinakuluan. Hindi sya nalalayo sa ibang karatula o mga anunsyo. So bakit ko ito pinag-uukulan ng pansin?Napagdesisyonan ko syang isulat dito dahil interesting ang kanyang pinagkakabitan. Ang room for rent sign na ito ay nakadikit sa pader ng isang sementeryo malapit sa isa sa mga gates nito. Kung iyong iisipin, saan ba ang room na pinauupahan na ito. Ang room for rent bang ito ay nasa loob ng sementeryo. Maaaring nakakatawa pero mapapaisip ka rin na maaaring totoolalo na kung alam mong sa ilang sementeryo dito sa Metro Manila ay meron naman talagang mga naninirahan.

Marami talagang mga nagkalat na room for rent signs ngayon. Kung saan-saan ka naman talaga makakakitang mga ganitong karatula. Sa mga pader marami. Sa may waiting sheds na pagawa ni Mayor ganito o Congressman ganyan marami rin. Kung titingin ka sa dyaryo hindi mawawalan nyan. At ang mas uso ngayon e sa internet na.

Actually, malapit sa aking puso ang usaping ito dahil kamakailan lamang ay kinailangan kong maghanap ng bagong matitirahan.

Mga isang buwang mahigit na ang nakalilipas ng malaman kong kailangan na pala namin ng mga kasama kong iwan ang aming inuupahang bahay sa may Libertad. Sa loob ng naparaming taon, pito o walo para sa iba at anim para sa akin, marami na rin kaming mga nakasama sa bahay na yon. Ngunit marami na rin kasi ang umalis. May nakapag-asawa na. Maaaring mayron na ring malapit ng mag-asawa, hindi natin alam. May pumasok sa seminaryo at mayroon ding nagpalaot na. Ang iba'y nawala na rin dahil sa samut-saring kadahilanan. Hindi naman ito nakapagtataka dahil ganoon naman talaga ang setup sa simula pa lang. nagkataon lang na isa ako sa mga huling naiwan kasi wala naman talaga akong personal na dahilan.

Hindi naging madali para sa ilan sa amin na umalis. Sinubukan pa nga nilang maghanap ng ibang mga kakilalang sasama sa bahay upang makahati na rin sa mga bayarin. Nagpahanap sa mga kakilala. Nagpasabi sa mga kaibigan. Ngunit sila'y nabigo kasi sa pagkaka-alam ko e walang gustong makitira. So wala talagang masyadong choice kundi ang lumipat. Mahihirapan na rin talaga kaming paghahatian ang renta.

Para sa akin ng mga panahon na iyon, mahirap lumipat sa kakailanganin mo ng medyo malaki-laking halaga para lamang makalipat. Kalakaran na rin kasi ang one month advance, two months deposit na poilicy pag-uupa e. Eh mahirap yun kung wala ka namang gaaanong pera na pwede mong kunin ng basta-basta na lang.

Sa totoo lang nakaka-stress maghanap noon. Ang daming magagagandang lokasyon pero mahal naman. May-isang siyam na libo ang upa pero malakilaki kasi ang 27,000 na paunang bayad. Meron namang mura ng kaunti kesa doon  pero parang hindi mo naman alam kung makakatulog ka kahit idlip man lamang sa gulo o dumi ng lugar.May  mga mabubuting  kaibigan rin namang nag-offer ng kanilang lugar pero medyo may kalayuan at mahirap rin sa pamasahe.

Isa syang kasuklam-suklam (lalim at OA ang term haha) na panahon para sa akin. Hindi ko nga alam noon kung ano ang uunahing hanapin, bahay ba o perang pang renta. Mabuti na lang may isang mabuting kaibigan na nag-offer ng kanyang unit sa mababang halaga lamang at walang mga down down na kailangan. Para sa akin at sa dalawa ko pang natirang kasamahan noon, hulog sya ng langit. Paano ba namang hindi mo iisipin ang ganon eh sya mismo ang kusang nag-offer. At ang galing ng timing ha. Nakita namin ang lilipatan ng gabi bago ang aming araw ng paglikas (lalim at OA ulit hehe).

Sa ngayon, masaya naman ako sa aming nalipatan. Nakakatulog ako ng mahimbing. 

Sa kabuuhan, masalimuot at mahirap ang aming pinagdaanan ng panahon na yun pero ang mahalaga ay natutunan kong lagi namang may biyayang dumarating sa oras ng kagipitan.

Room for rent ba kamo? Marami dyan, bahala ka na lang kung ano ang gusto mo. Ang mahalagang tandaan lang, sa paglipat mo, may taong tutulong sa yo.

Monday, August 26, 2013

isang milyong lakad -- million people march

Kagabi (August 26, 2013) habang ako'y naglalakad sa may Evangelista St. sa Makati, nakita ko ang isang ale na nakapandong ng dyaryo sa ulo. Medyo umaambon kasi kaya siguro nya pinoprotektahan ang kanyang ulo. pareho kaming tumigil saglit sa labas ng Mini Stop at doon ko nakita na ang headline ay may kinalaman sa rally sa Luneta -- anti-pork barrel rally. Yun kasi ang pihadong pinaka malaking balita kahapon. Sa twitter nga puro #MillionPeopleMarch ang hash tags na makikita. Malamang trending yun kahapon.


Habang usong-uso ang usaping ito ang dami dami talagang nakalagay sa twitter at  facebook. Pagbinasa mo talaga nakakagalit ang kalapastanganang ginawao patuloy na ginagawa sa atin. Habang marami sa atin ay hirap na hirap sa paghahanap ng perang ipambibili ng pagkain, may ilang taong nag-papa-party na milyones ang ginagamit. Habang tayo'y hirap na hirap makaipon ng pera pambili ng gamot, may ilang taong nag-uubos ng pera para bumili ng mamahaling bag, pabango at alahas. Habang marami ang nangangambang maputulan ng tubig dahil hindi nakabayad ng bills, may ilang tao ang nagbababad sa bathtub na puno ng pera. Di ba nakakagalit talaga?


Tingin ko, makabuluhan talaga ang ginawang #MillionPeopleMarch kahapon. Hindi man literal na nakapunta ang isang milyong tao, siguradong nakita at napankinggan pa rin ng gobyernong Aquino partikular miso si PNoy ay hinaing at sentimyento ng mga tao.


Pero meron lang din akong ilang tanong, ilan kaya sa mga nakikisawsaw sa issue na ito ang totoong may interest na makatulong para sa karapatan ng bayan. Ilan kaya sa mga nagpunta sa Luneta ang may totoong mithiin na makatulong? At ilan din kaya sa mga dumadaldal sa twitter at facebook (tulad ko) ang talagang pinandigan ang kanilang sinasabi at iniwan ang pag-i-internet upang dumalo sa rally (di tulad ko)?

Ingat lang din mga kaibigan sa pag-se-share sa facebook ng mga balitang atin ding nakikita sa internet. Siguraduhin sana natin kahit papaano ang kredibilidad ng sumulat ng balita o nagkukunwaring balita. May nabasa akong balita kanina na nai-share ng isa kong kaibigan. ito'y hango sa isang site na naglalaman ng mga balitang mula sa Pilipinas. Pagnabasa mo yung artikulo, maiinis ka at magagalit. pero kung iyong susuriin, parang pawang mga malalaking salita lamang. May mga idinadawit na tao na ang maaaring kaugnayan lang sa tunay na may kasalanan ay magkakilala sila o nagkasama sa isang pagdiriwang. May mga taong patay na nababanggit na walang tuwirang kaugnayan (sa ngayon) sa  scam pero wala na sila sa lupa para man lamang depensahan ang kanilang sarili. Ni hindi nga tama ang grammar at ang spelling ng mga pangalan. Sana'y maghinay hinay din ang tao sa pag-po-post dahil maaaring mali o di sapat ang research ng balitang kanilang ipino-post. Sa akin, ito'y hindi makakatulong bagkus ay makakagulo lamang sa nais nating paghanap ng katotohanan.

Wala ako sa Luneta kahapon kaya wala akong karapatang maging kritiko. Pero sa mga naroon, galing ninyo. Kahanga-hanga kayo.

Bilang pakikibahagi, eto na lang ang larawang ilalagay ko:



unang hakbang

Lahat ng paglalakad ay nagsisimula sa unang hakbang. Ito ang aking unang hakbang para sa blog na ito. Dito ay nais kong ipaliwanang sa inyo ang mga maaari ninyong abangan sa site na ito. At gayundin, nais ko ring ipakilala sa inyo ang nagmamay-ari ng site na ito -- walang iba kundi ako.

Ako'y isang Pilipino. Mahilig akong magalakad. Hindi naman malalayong lakarin, yung maiksi  lamang kasi nakakapagod. Ayow ko rin masyadong mapawisan kaya pag malayo na ang lalakarin ay sumasakay na ako taxi. Kaya naman lakad sa maynila ang pamagat nito ay sa kadahilanang sa maiiksing lakad na yon ay marami akong napapansin at napagtatanto. Mahilig kasi akong magmasid. Mahilig akong magbigay ng puna sa mga nakikita ko. Pero kadalasan ay sa isip ko lang naman yun.

Ang makikita ninyo sa site na ito ay aking mga napapansin sa aking paligid habang ako'y naglalakad. Ang mga ito'y maaaring seryoso ngunit maaari din namang hindi. Ang iba'y maaaring makabuluhan at iba'y wala namang kapararakan. Ang iba'y isusulat sa wikang Filipino at ang iba naman at in English.  Pipilitin kong lagyan ng larawan ang mga bagay na tinutukoy ko pero syempre hindi ko lahat makukuhanan ng larawam kasi baka may magalit o di kaya naman ay ma mang-snatch ng telepono ko habang kumukuha ng larawan. Kung wala, gagamit ako ng mga larawang kuha sa internet pero wag kayo mag-alala, ilalagay ko kung saan ko kinuha. Sana'y hindi ko ito makalimutan, pero kung sakali man, tanggapin inyo ang pasasalamat kong ito sa inyong 'pagpapahiram'.

Nawa'y masiyahan kayo sa inyong mga mababasa.

Halina kayo at tayo'y at ako'y samahan sa aking lakad sa maynila.