nuff

Tuesday, October 22, 2013

Korean Noodles at Pagkakaibigan

Habang naglalakad ako at nag-iikot-ikot sa isang supermarket, nakita ang mga instant noodles na talaga namang kaakit akit. Habang dumaraan ako, pilit kong iniiwasang tumingin pero parang tinatawag talaga ako ng mga instant noodles kaya't di ko napigilang tumigil at lumapit.

Isa-isa kong nilapitan ang mga nagsisitawag na instant noodles at tiningnan silang wari'y aking mga kakilala.  Dinaaan ko syempre ang mga instant chicken mami at instant beef mami. Andun din ang mga pansit canton. Aba, at may instant spaghetti at carbonara pa. Pero ang nakapukaw talaga ng aking pansin ay ang mga Korean noodles. Parehong pareho rin sa totoong kalakaran ng mga tao. Gaya ng pagkakaroon ng maraming Koreano e naglipana na rin ang mga Korean noodles.

Naagaw ang aking attention ng mga Korean noodles na ito dahil bigla kong naalala ang spicy Korean noodles na ipinagmamalaki sa akin ng isang kaibigan. Talagang ibinibida nya ito sa akin ng walang humpay. Animo'y kakaibang pagkain ito kung kanyang ipagmalaki.

Hindi ko pa iyon natitikman kahit matagal ko ng naririnig na masarap daw. Hindi kasi ako madalas magawi sa linya ng mga imported noodles. Masaya na ako sa mga local brands. At isa pa, sa aking pagkakatanda, ipinangako sa akin ng aking kaibigan na ipatitikim nya ito sa akin. Nagkabati na ata ang North at South Korea at hindi na natuloy ang Korean War eh hindi ko pa rin natitikman ang nasabing Korean noodles.

Kaya naman ng makita ko ito ay akin ng binili. Baka kasi kung hihintayin ko pang ipatikim ito sa akin gaya ng sinabi eh mag-asawa na si Bimbi Yap at Ryza mae Dizon ay hindi ko pa rin natitikman. Mas malala pa eh baka magkalaban na ang anak ni Jeric Teng at Jeron Teng sa UAAP eh hindi pa rin  nya naaalala ang pangako.

Ang pinili ko ay ang Spicy variant at hindi ang Hot & Spicy. Kasi naman, sa litrato sa balat ng noodles eh mukhang uusok talaga ang tenga ko sa Hot & Spicy na yun.

Pero may  sinabi rin namang tama ang aking kaibigan. Masarap naman talaga. Pero sobrang anghang. Ang init sa tenga at lalamunan. Paano na lang kung yung Hot & Spicy ang aking pinili.

Tulad ng noodles, Korean man o local, may iba't ibang level din ang pagkakaibigan. Merong umaabot sa puntong maaanghang ang pagkakaibigan. Matindi ang samahan at nanunuot sa kaibuturan ng puso. Pero meron ding samahang tinatabangan. Nawawala ang anghang o naluluma sa paglipas ng panahon. O baka naman sa simula pa lang ay wala ng anghang kayat hindi rin nagtagal. Hmmmm.....makakain na nga lang. 

1 comment:

  1. Playgroup Singapore naalalako nung highschool ako. may noodles na tig-6 lang. ang tawag jjampong :) sulit na rin pampainit ng sikmura

    ReplyDelete