nuff

Wednesday, November 6, 2013

Undas - Mga Kapansin-pansing Eksena sa Sementeryo

Noong nakaraang Undas, November 1, naglakad ako hindi sa Maynila kundi sa ementeryo sa aming probinsya. Masayang maglakad sa sementeryo lalo kung ang pakay mo ay makita ang maraming uri ng mga taong may kanya-kanyang kaugalian. 

Isa sa mga bumungad sa akin sa sementeryo ay ang isang pink coffin na pag-aari ng isang kumpanyang may kinalaman sa libing ang negosyo. Itong pink coffin na ito ay nakatayo at walang salamin. Ang pakay nya ay para makapagpa-picture ang mga tao sa loob at magka-idea sila kung ano ang magiging itsura nila sa loob ng kabaong kung sakaling sila ay patay na. Since uso naman ang selfie, pwede nilang gawin. Ang napansin ko, maraming mga kababayan namin ang tumitingin at nagtatawanan pag nadadaan sa lugar na yon pero hanggang tawanan lang naman sila. Sa ilang ulit kong pagdaan doon ay wala akong nakita ni isa mang nagpapicture o nag selfie. Marahil ay natatakot pa sila sa idea na makita ang sarili nila sa loob ng kabaong. Kahit ang mga pinsan ko na taga Maynila ay hindi rin  naglakas loob na magpapicture. 

Isang kapansin pansin ring bagay noong Undas ay ang pagbabaon ng mga pamilya ng maraming pagkain sa sementeryo. Nagbibitbit ang bawat isa ng mga basket o bag na naglalaman ng mga kasekaserolang ulam at kanin kahit pa malayo ang lalakarin bilang bawal nga ang mga sasakyan sa loob ng sementeryo. Naging tradisyon na rin kasi ang mag salu-salo tuwing Undas. 

Isang agaw pansin ay ang mga kabataang walang ginawa kundi mag  tomb hopping. Lipat ng lipat kung saan saang nitso kung san andon ang kanilang mga kaibigan. Maya't-maya mag yayayaan kung may bagong kaibigang dumating. Di mabitaw-bitawan ang mga cellphone para updated kung sino ang kadarating lang.

Syempre andyan na rin ang fashion show. Tama, fashion show sa sementeryo. Kasi syempre kailangan mong magbihis ng maganda kasi maraming makakakita sa yo. Ayaw mo namang mapag chismisang baduy ng mga nag-uumpukang tao sa kani-kanilang nitsong dinadalaw di ba? 

Nakakatuwa rin na na-invade na ng mga fast food chains na nag dedeliver ang okasyong ito. Aba, may mga stalls na ng fast food sa labas kung saan maaari kang bumili kung available ang pagkain na gusto mo o pwede kang mag-order na itatawag na lang ng crew sa main store at dadalhin naman nila kung nasaan kayo. 

Hmmm....marami ring mga negosyanteng naglipana. May nagtitinda ng ice cream,scramble, mani, balot, chicharon at kung anu-ano pa. Ano kaya ang magandang manegosyo sa susunod na taon? Cellphone charging station kaya?


1 comment:

  1. Playgroup Singapore sa undas, maraming nag titinda sa mga tabi-tabi. pero wag sana kalimutan ang totoong ibigsabihin ng undas. :)

    ReplyDelete