nuff

Tuesday, November 12, 2013

Si Yolanda, Mga Bikitima at Mga Artista

Nakapanlulumo ang mga balitang nakikita natin sa telebisyon at nababasa sa internet at dyaryo sanhi ng super typhoon Yolanda. Hindi ba namang hindi malulungkot sa mga larawan ng pagkasira ng kagamitan, bahay at buhay ng ating mga kababayan. At sino ba naman ang hindi maaantig ang puso ng mga larawan ng mga batang nasalanta ng walang kalabanlaban.Talagang masakit isipin na sinapit ito ng ating mga kababayan.

Kaliwa't kanang mga bahay ang nawasak dahil sa storm surge. Walang bubong ang pinalipad ng nagngangalit na hangin ni Yolanda. Pati mga simbahan ay hindi sinanto ng mapinsalang delubyong ito. Dahil dito nagkaroon ng kakulangan ng matitirhan. Paano ba namang hindi e maging ang mga dapat san'y maaaring gawing evacuation centers ay nawasak din. Wala na ring makain ang ating mga kababayan. Walang tindahang nagnais magbukas at magtinda -- yaan ay kung buo pa ang tindahan nila. Wala ring makuhaan ng malinis na inumin. E pati nga gamot wala dahil pati mga ospital ay walang awang sinaktan ni Yolanda.

Dahil sa mga pinsalang ito, marami sa ating mga kababayan ang napilitang kumuha ng mga bagay na hindi kanila. Marami ngang looting na nangyari. Maraming mga tindahan ng pagkain ang sinalakay ng mga tao na sing bilis ng pagdagsa ng hangin at tubig. Siguro naisip nila na kung babagal-bagal ka ay magugutom ka sampu ng iyong mga pamilya. Hindi naman sa binibigyan ng excuse ang mga looters pero survival ang pinag-uusapan. Walang tulong na agad dumating dahil wasak din ang mga dadaanan. pati mga airport ay hindi rin magamit nung mga unang araw. Pero syempre nakakalungkot na makita yung iba na pati mga telebisyon at dvd players ay ninanakaw. Aanhin mo ang tv? Hindi naman nito mabubusog ang pamilya mong nagugutom. Aanhin mo ang mgabote ng pabangong ninakaw? Hindi naman nito mapapawi ang uhaw ng iyong asawa o anak. Aanhin mo ang DVD players? Magagawa mo ba itong bubong na masisilungan? Mahirap tanggapin. Pero sa isang banda ang hirap ding itanggi na hindi na normal ang takbo ng pag-iisip ng isang taong nagigipit. Marahil ay wala na silang ibang maisip na paraan upang mabuhay. Sana hindi nila gawin pero wag na lang siguro natin silang husgahan ng sing tindi ng hagupit ni Yolanda. Hindi natin alam kung ano ang nasaisip nila.

Malaking pampalubag ng loob na rin siguro ang mga nagsusulputang kwento ng kabayanihan. Sa kabila ng pansariling pangangailangan, may mga kababayan pa rin tayong inisip pa rin ang kapakanan ng iba higit sa kanilang sarili. Maganda ring pakinggan kung paanong pinahahalagahan ng ilang  kilalang tao sa ating bansa ang mga nasalanta ni Yolanda. Maraming  celebrities at showbiz personalities na nagkusang magbigay ng tulong. Sabi sa balita si Sharon Cuneta ay nag donate ng P 10,000,000. Si Kris Aquino rin ay nagbigay ng malaking halaga bukod pa sa kanyang effort sa paghihikayat sa ating mga kababayan na magbigay ng tulong. Si Regine Velasquez ay nag simula ng auction para sa kanyang mamahaling gamit pati ang kanyang necklace at ring na may sentimental value sa kanya. Si Ogie Alcasid ay nagbigay rin ng kanyang mamahaling relo tulad ng Bvlgari. Si Dingdong at Marian Rivera ay may fun run para makakolekta ng pera para sa tulong sa Visayas. Si Angel Locsin ay magpapa- auction ng kanyang Chevrolet Chevelle. Noong una pa nga ay gusto nya anonymous pero meron  ba namang naiiwang anonymous sa showbiz? Si Anne Curtis din at ang kanyang boyfriend na si Erwann Heussaff ay nag pa auction din ng kanilang mga damit.

Pati mga foreign celebrities ay nagpahayg din ng kanilang tulong. Syempre pa si Pope Francis ay magbigay din ng kanyang mensahe at panalangin.

Sana lang ay maabot na ng mga rescuers ang mga biktima ng super typhoon Yolanda para matulungan na ang dapat tulungan at maiwasan na ang kaguluhan.


1 comment:

  1. Playgroup Singapore lesson learned sa nanyari sa yolanda. mga bakawan ang pumigil sa storm surge. kaylangan ingatan ang kalikasan

    ReplyDelete