Isa sa mga karatulang madalas nating makikitang nakadikit sa mga pintuan ng tindahan, opisina, bangko o kung saan-saan pa ay ang karatulang nagsasabi ng "Push" at "Pull". Nagpapahiwatig ito ng tamang paraan ng pagbubukas ng lagusan. Nakakatawa lang isipin na sa ilang pintuan ay may mga translation pa ng dalawang naturang salita. "Tulak" o "Hila". Sa isang banda, ito marahil ay okay kasi may ilang mga Pilipino na baka nalilito sa kahulagan ng mga salitang ito. Pero sa ganang akin, iilan lang naman siguro ang mga ito. Simple lang naman at marahil, kahit ang hindi nakapag-aral ay alam na ito base na rin sa kanilang mga karanasan.
Marahil, marami sa mga may ari ng tindahan ang nakakapansin na maraming mali ang ginagawang pagbubukas ng pintuan kaya't inisip nilang i-translate. Iniisip nilang hindi naiintindihan. Ngunit gaya nga ng sinabi ko, iilan lang siguro ang hindi nakakaalam ng ibig sabihin ng push at pull. Mas matindi sigurong dahilan kaya't marami pa rin ang mali ang ginagawang pagbubukas ng pinto ay dahil sa hindi sila masyadong nagbibigay ng pansin sa karatula. Marahil, marami ang absentminded o kaya ay preoccupied ang utak. Sa dami rin naman kasi ng ating iniisip, minsan hindi na talaga natin napapansin ang mga bagay na tulad nito. Halimbawa, litong lito ka na sa kung ano bang sapatos ang bibilhin mo at palipat-lipat ka na sa iba't ibang tindahan, mapapansin mo pa ba ang push o pull na 'yan. O kaya naman ay excited kang pumasok sa flower shop dahil bibili ka ng flowers para sa asawa mo, mahihigitan pa ba 'yon ng pag-intindi sa kahulugan ng push o pull? Ito naman ay aking sinasabi hindi upang sabihing wag ng bigyan ng pansin ang push o pull signs. Mahalaga nga sila kung tutuusin. Ang pagsunod sa simpleng karatulang ito ay maaaring maging dahilan sa pag-iwas sa aksidente o makasakit ng ibang tao.
Minsan, may mga maliit na bagay talagang naiisantabi dahil sa mas mahahalagang concerns. Ganyan naman talaga ang buhay di ba? May mga bagay na kailangang i-prioritize minsan o may mga bagay na mas nabibigyan natin ng halaga. Ngunit hindi ito nangangahulugan na ang mas mababang priority ay dapat na talagang ipagwalang bahala. Tulad ng sa pinto, ang pagbabaliwa sa mga maliliit na bagay ay maaari ding makapag dulot ng masama. Maliit mang bagay, mainam pa rin kung ito'y bibigyan ng pansin.
No comments:
Post a Comment