Noong nakatira pa ako sa may area ng Libertad sa Pasay, madalas kong makita pag papasok ako sa opisina ang isang karatulang nagsasabing "roon 4 rent". Ang room for rent na sign na ito ay naka-print sa isang short bond paper at idinikit sa isang pader sa pamamagitan marahil ng pandikit na gawa sa harinang nilusaw sa tubig at pinakuluan. Hindi sya nalalayo sa ibang karatula o mga anunsyo. So bakit ko ito pinag-uukulan ng pansin?Napagdesisyonan ko syang isulat dito dahil interesting ang kanyang pinagkakabitan. Ang room for rent sign na ito ay nakadikit sa pader ng isang sementeryo malapit sa isa sa mga gates nito. Kung iyong iisipin, saan ba ang room na pinauupahan na ito. Ang room for rent bang ito ay nasa loob ng sementeryo. Maaaring nakakatawa pero mapapaisip ka rin na maaaring totoolalo na kung alam mong sa ilang sementeryo dito sa Metro Manila ay meron naman talagang mga naninirahan.
Marami talagang mga nagkalat na room for rent signs ngayon. Kung saan-saan ka naman talaga makakakitang mga ganitong karatula. Sa mga pader marami. Sa may waiting sheds na pagawa ni Mayor ganito o Congressman ganyan marami rin. Kung titingin ka sa dyaryo hindi mawawalan nyan. At ang mas uso ngayon e sa internet na.
Actually, malapit sa aking puso ang usaping ito dahil kamakailan lamang ay kinailangan kong maghanap ng bagong matitirahan.
Mga isang buwang mahigit na ang nakalilipas ng malaman kong kailangan na pala namin ng mga kasama kong iwan ang aming inuupahang bahay sa may Libertad. Sa loob ng naparaming taon, pito o walo para sa iba at anim para sa akin, marami na rin kaming mga nakasama sa bahay na yon. Ngunit marami na rin kasi ang umalis. May nakapag-asawa na. Maaaring mayron na ring malapit ng mag-asawa, hindi natin alam. May pumasok sa seminaryo at mayroon ding nagpalaot na. Ang iba'y nawala na rin dahil sa samut-saring kadahilanan. Hindi naman ito nakapagtataka dahil ganoon naman talaga ang setup sa simula pa lang. nagkataon lang na isa ako sa mga huling naiwan kasi wala naman talaga akong personal na dahilan.
Hindi naging madali para sa ilan sa amin na umalis. Sinubukan pa nga nilang maghanap ng ibang mga kakilalang sasama sa bahay upang makahati na rin sa mga bayarin. Nagpahanap sa mga kakilala. Nagpasabi sa mga kaibigan. Ngunit sila'y nabigo kasi sa pagkaka-alam ko e walang gustong makitira. So wala talagang masyadong choice kundi ang lumipat. Mahihirapan na rin talaga kaming paghahatian ang renta.
Para sa akin ng mga panahon na iyon, mahirap lumipat sa kakailanganin mo ng medyo malaki-laking halaga para lamang makalipat. Kalakaran na rin kasi ang one month advance, two months deposit na poilicy pag-uupa e. Eh mahirap yun kung wala ka namang gaaanong pera na pwede mong kunin ng basta-basta na lang.
Sa totoo lang nakaka-stress maghanap noon. Ang daming magagagandang lokasyon pero mahal naman. May-isang siyam na libo ang upa pero malakilaki kasi ang 27,000 na paunang bayad. Meron namang mura ng kaunti kesa doon pero parang hindi mo naman alam kung makakatulog ka kahit idlip man lamang sa gulo o dumi ng lugar.May mga mabubuting kaibigan rin namang nag-offer ng kanilang lugar pero medyo may kalayuan at mahirap rin sa pamasahe.
Isa syang kasuklam-suklam (lalim at OA ang term haha) na panahon para sa akin. Hindi ko nga alam noon kung ano ang uunahing hanapin, bahay ba o perang pang renta. Mabuti na lang may isang mabuting kaibigan na nag-offer ng kanyang unit sa mababang halaga lamang at walang mga down down na kailangan. Para sa akin at sa dalawa ko pang natirang kasamahan noon, hulog sya ng langit. Paano ba namang hindi mo iisipin ang ganon eh sya mismo ang kusang nag-offer. At ang galing ng timing ha. Nakita namin ang lilipatan ng gabi bago ang aming araw ng paglikas (lalim at OA ulit hehe).
Sa ngayon, masaya naman ako sa aming nalipatan. Nakakatulog ako ng mahimbing.
Sa kabuuhan, masalimuot at mahirap ang aming pinagdaanan ng panahon na yun pero ang mahalaga ay natutunan kong lagi namang may biyayang dumarating sa oras ng kagipitan.
Room for rent ba kamo? Marami dyan, bahala ka na lang kung ano ang gusto mo. Ang mahalagang tandaan lang, sa paglipat mo, may taong tutulong sa yo.
No comments:
Post a Comment