Kagabi (August 26, 2013) habang ako'y naglalakad sa may Evangelista St. sa Makati, nakita ko ang isang ale na nakapandong ng dyaryo sa ulo. Medyo umaambon kasi kaya siguro nya pinoprotektahan ang kanyang ulo. pareho kaming tumigil saglit sa labas ng Mini Stop at doon ko nakita na ang headline ay may kinalaman sa rally sa Luneta -- anti-pork barrel rally. Yun kasi ang pihadong pinaka malaking balita kahapon. Sa twitter nga puro #MillionPeopleMarch ang hash tags na makikita. Malamang trending yun kahapon.
Habang usong-uso ang usaping ito ang dami dami talagang nakalagay sa twitter at facebook. Pagbinasa mo talaga nakakagalit ang kalapastanganang ginawao patuloy na ginagawa sa atin. Habang marami sa atin ay hirap na hirap sa paghahanap ng perang ipambibili ng pagkain, may ilang taong nag-papa-party na milyones ang ginagamit. Habang tayo'y hirap na hirap makaipon ng pera pambili ng gamot, may ilang taong nag-uubos ng pera para bumili ng mamahaling bag, pabango at alahas. Habang marami ang nangangambang maputulan ng tubig dahil hindi nakabayad ng bills, may ilang tao ang nagbababad sa bathtub na puno ng pera. Di ba nakakagalit talaga?
Tingin ko, makabuluhan talaga ang ginawang #MillionPeopleMarch kahapon. Hindi man literal na nakapunta ang isang milyong tao, siguradong nakita at napankinggan pa rin ng gobyernong Aquino partikular miso si PNoy ay hinaing at sentimyento ng mga tao.
Pero meron lang din akong ilang tanong, ilan kaya sa mga nakikisawsaw sa issue na ito
ang totoong may interest na makatulong para sa karapatan ng bayan. Ilan
kaya sa mga nagpunta sa Luneta ang may totoong mithiin na makatulong? At
ilan din kaya sa mga dumadaldal sa twitter at facebook (tulad ko) ang
talagang pinandigan ang kanilang sinasabi at iniwan ang pag-i-internet
upang dumalo sa rally (di tulad ko)?
Ingat lang din mga kaibigan sa pag-se-share sa facebook ng mga balitang atin ding nakikita sa internet. Siguraduhin sana natin kahit papaano ang kredibilidad ng sumulat ng balita o nagkukunwaring balita. May nabasa akong balita kanina na nai-share ng isa kong kaibigan. ito'y hango sa isang site na naglalaman ng mga balitang mula sa Pilipinas. Pagnabasa mo yung artikulo, maiinis ka at magagalit. pero kung iyong susuriin, parang pawang mga malalaking salita lamang. May mga idinadawit na tao na ang maaaring kaugnayan lang sa tunay na may kasalanan ay magkakilala sila o nagkasama sa isang pagdiriwang. May mga taong patay na nababanggit na walang tuwirang kaugnayan (sa ngayon) sa scam pero wala na sila sa lupa para man lamang depensahan ang kanilang sarili. Ni hindi nga tama ang grammar at ang spelling ng mga pangalan. Sana'y maghinay hinay din ang tao sa pag-po-post dahil maaaring mali o di sapat ang research ng balitang kanilang ipino-post. Sa akin, ito'y hindi makakatulong bagkus ay makakagulo lamang sa nais nating paghanap ng katotohanan.
Wala ako sa Luneta kahapon kaya wala akong karapatang maging kritiko. Pero sa mga naroon, galing ninyo. Kahanga-hanga kayo.
Bilang pakikibahagi, eto na lang ang larawang ilalagay ko:
No comments:
Post a Comment